Mariposa

14 August 2007

            Nag-aagawan sa katinuan ko ang gising at antok, bawat segundong dumadaan lalong nagiging paligsahan ng lakas ang pagpapapirmi sa mga mata kong dumilat at lalong humahaba at dumadalas ang mga hikab.

            Dalawang kwento pa ang dapat maisulat, pero tatlong ikot na ang binyahe ng mahabang kamay sa orasan ay malinis pa rin ang papel.  May mga ideya na pero bawat isa’y dagdag lang sa mga nilamukos na opening line na pumupuno sa basurahan. Tinatanggihan ng utak ko ang bawat mali pero tumatanggi din itong gumawa ng tama. Wala akong napapala.

            Tinaboy ko lahat ng mga banyaga sa kwarto ko kanina, santambak na magasin na nakakalat sa sahig, kuya kong nakakalat sa kama, kalansay sa tukador. Wala akong pinayagang umistorbo sa pagpupumilit kong makatapos, kaya’t matatawag kong mapangahas ang bisita ko ngayong gabi. Parang insekto at kalahating mensahero ng mga diyos sa langit at impyerno, malaking paru-parong kula’y lupa pero ‘di tumatapak sa lupa, Mariposa.

            Naputol ang iniisip ko, kaya nga ayoko ng istorbo.

            Naalala ko ang mga lumang kwento ng matatanda tungkol sa mga bisita nating kaluluwa at ang kanilang anyong pan-lupa. Naalala ko ang mariposang dumapo sa akin nuong burol ng lola ko. Naalala ko ang tatay ko. Naisip ko, kung tatay ko ‘to, hindi s’ya dapat nandito.

            Ang tatay ko, syang sinisisi sa akin ang lahat ng pagkakamali at pagkukulang n’ya. Dumapo ang mariposa sa aking braso, dumapo s’ya sa unang latay “KAYA AKO NASISANTE DAHIL SA’YO!” sumayaw papunta sa ikalawa “BA’T BA PINANGANAK KA PA PAHIRAP KA LANG NAMAN!” at bago pa dumapo sa ikatlo ay humihiyaw na sa tenga ko ang tatay ko “KAYA NAMATAY SI BENG! DAHIL SAYO BWISIT KA! IKAW ANG PUMATAY SA NANAY MO!” Pero di ko pinatay nanay ko, binuhay lang n’ya ako, napunta lang sa akin ang sa kanya.

            Ang tatay kong ang tanging pamana sa akin ay ang pangalang kong pangalan din n’ya, at ang mukha kong mukha rin n’ya. Naalala kong kapain ang pilat sa pisngi ko, ang tanging sugat sa katawan ko na hindi sa tatay ko galing, ang tanging sugat na gusto ko. “Ano yan Jun? JUN? AaaaY! Ano bang pinag gagawa mo sa sarili mong bata ka?” sigaw ng lola ko, pero sa wakas, mukha ko na ang nakikita ko sa salamin, hindi sa tatay ko.

            “Tang-ina mo umalis ka dito!” sigaw ko sa bisitang ngayo’y nakikita ko nang peste. Peste ka, buti nga sa’yo, wala ka na dapat, ba’t andito ka pa? Ang laki na ng pasasalamat ko sa mga tambay sa kantong naktuwaan ka lang, sa mga usiserong tinignan ka lang, sa paramedikong mabagal umasikaso at sa duktor na walang alam. Gusto kong durugin sa kamay ko ang mariposa, tapusin ang buhay ng may buhay na tapos na dapat. Mabilis ang paru-paro, mabilis pa sa akin, binato ko ng mga basurang opening line, tapos ng basura, tapos ng basurahan, tinamaan ito ng basurahan at parang nabali ang isang pak-pak. Wala na akong lakas para durugin ito matapos ang ilang Segundo wala narin ito, sinara ko ang bintana.

            Muli akong naupo para tapusin ang buhay ng mariposa, mali, para tapusin ang sinusulat ko pala. Pakiramdam ko’y wala na akong sinimulang natapos, maging ang mga gawa ko man o ang pag durog man sa pesteng hinayaan ko na lang lumipad paalis, puro putang-inag opening line. Malamig ang nasa kamay ko, baling bolpeng kumakalat ang tinta ang ebidensya ng galit na naging dungis na lang. Nabali ko siguro sa kamay ko sa pag-alala.

Kumuha ako ng bagong bolpen at nag sulat ng ideya, manunulat na hindi makasulat, opening line, basura. Gusto kong mag ka amnesia, tinapon ko ang panibagong basurang opening line, nag simula akong tumula sa isipan, amnesia ang hinihiling ko, nostalgia ang sagot ng mga diyos ng langit at impyerno. Sumulat ako muli ng opening line, hindi ko tinapon, hindi ako tumigil, tatay kong namatay, mariposang napilay, ako ang pumatay kay nanay. Hanggang sa natapos ang isang tula, kahit na kwento ang dapat kong ginagawa. Pinamunas ko ng luha ang kamay kong walang tinta ng bolpen, hindi na pala ako marunong umiyak.

            Bumaba ako, iniwan ko ang hindi tapos sa itaas, dala ko sa kamay ko ang tapos na. Nakita kong marami pang tao, mga di ko kilala at nakikiramay sa baraha, nakita ako ng kuya ko.

“O ano? Tapos ka na?” tanong n’ya.

“Matagal na, noon pa.”

4 things said:

_Stine Olivar said...

ang lakas ng dating neto nung binabasa mo,, kakaiba ang pleybor,,, parang plema.. heheh joke.. di nga.. astigin nung binasa mo.. (kahit naman di na... pero,, iba epek)

Ernest Angeles said...

binasa ko? wala nga raw kwento sabi ni Sir Baquiran

_Stine Olivar said...

binasa mo sa sangken nung ginagawa pa lang

Roxanne Delay said...

may kuwento kaya!

 
ODIFMI Diaspora - by Templates para novo blogger