18 January 2009
(title mula sa isang linya sa ODID)
Nariyan ka, nandito ako, wala sanang problema kung wala din sila, kaso nariyan sila.
Ang hirap mo namang tsempuhang mag-isa.
Darating ka't makikihati sa kanilang tawanan, ang magagawa ko lang ay pagmasdan ka at magkunwaring okey lang sa akin kahit na nandyan pa sila at di kita makausap mag-isa.
Sana naman mapansin mo na nabuburyong ako, nalulungkot ako, naiinis ako sa sarili ko na hindi ko masabi sa'yo kasi ayoko sabihin sa'yo habang di sinasadyang nasasabi din sa kanila. Hindi naman sa nahihiya ako sa nararamdaman ko, nahihiya ako sa mga iniisip kong baka nararamdaman mo, o mas tama bang sabihing hindi mo nararamdaman?
Nagawa ko na pala dati yun, yung tayong dalawa lang, yung kwentuhang walang point, medyo seryoso, medyo hinde, medyo ranting, medyo dramatic, sabi ko romantic, sabi mo "EeeeW", haha. Nakakatuwa naman, yun na yata ang paborito kong araw, este, gabi pala.
Hindi na yata mauulit ang ganoong gabi, sana kahit hindi gabi, pinakamatagal na kitang na solo ang tatlumpung segundo kapag may araw, tapos umalis ka din. Sayang, iba pa man din ang tama ng araw sa'yo noon, parang tumaas ang albedo mo, bigla ka naging reflective, glowing, basta, ang ganda mo talaga.
Putsa, hindi na ako maninigarilyo pag nandyan ka, matsempuhan lang kita mag-isa. Pero masisisi mo ba ako kung magsisindi ako? Kinakabahan ako ng grabe, pangtanggal ng tensyon kumbaga, nanginginig nga ang kamay ko sa lighter, at bigla bigla na lang nagkakaroon ng pawis na wala naman dun kanina.
Hirap mo naman tsempuhang mag-isa.