13 September 2007
Nakikita ko na s’ya noon, ilang ulit na nga dahil sa madalas kami doon sa dinadaanan nya para maghalungkat sa mga basurahan at mangulit sa mga kolehiyala para sa mga basyo ng boteng plastik. Ilang ulit na din s’yang natataboy, nasusumbong sa guard, tinatakbuhan pa nga minsan, ako man ay aminadong nasungitan ko s’ya noon, sanay na ako, sabi n’ya, hindi s’ya nakangiti.
Ano pangalan mo? Jonell, Jonnel? Apelyido mo? Layson. Pano spelling nun?
Siya daw si Jonnel, Jonnel Layson, hindi ko alam kung tama spelling ko ng Jonnel pero sigurado ako sa Layson, kasi tinanong ko pa s’ya. Labing-apat na taon na s’yang humihinga sa labas ng sinapupunan ng nanay n’ya, sampu dun sa mga taong yuon ay tumutulong s’ya sa mga magulang n’ya, sampu din duon ay nag-aaral s’ya. First Year hayskul na s’ya sa lokal na paaralan “sa may kanila” yun lang nasabi n’ya nung tinanong ko s’ya kung saan yung skwelahan n’ya. Sa may sa kanila, sa Kaingin daw, parang ganoon, hindi ko siguradong nadinig ko ng mabuti dahil halos bumubulong s’ya, hindi ko na tinanong ulit kasi parang nagmamadali s’ya, baka kailangan pa n’ya makarami bago s’ya pumasok sa skwela. Panay ang galaw nya sa kina uupuan nya sa sakayan ng jeep sa harap ng PHAN, kasama ako at kaibigan ko. Kung naiirita s’ya sa usok ng yosi naming ay hindi n’ya pinakikita, sa isip ko’y nahulaan kong malamang na naninigarilyo din ang tatay n’ya.
Maliit lang s’ya para sa isang katorse anyos na bata, siguro dahil mas malaki pa sa kanya ang sakong dala-dala n’ya parati, hindi naman mabigat, mukhang hindi nga kasi puro plastik na bote ang dala n’ya. Mahigpit ang mahahaba n’yang daliri sa sako n’ya, hindi n’ya binibitawan sa haba ng aming pag-uusap. Maaga pa talaga, kaya hindi pa nadadama ang buong init ng araw na sa palagay ko’y may sala sa maitim n’yang balat. Nahihiya ako sa kanya, ang payat-payat nya at nagtatrabaho pa habang nag-aaral. Panay ang haplos n’ya sa buhok n’ya, medyo mahaba na, sa tingin ko matagal na mula nung huli s’yang nagpagupit.
Parang ilang buwan ko na s’yang kinakapanayam, Hulyo nuong nakita ko s’ya sa may isawan, dalawang kolehiya ang kinukulit n’ya para sa bote. Iniingles s’ya nito, nagmamataas, nandidiri, nangungutya sa kalagayan n’ya sa buhay. Nakakairita, hindi si Jonnel, yung mga babae. Ano ang karapatan n’ya, anak mayamang de kotse pumunta sa isawan para magpanggap na “down-to-earth” at “very Pinoy” na kutyain ang isang bata na mula ng nagkamalay ay tumutulong sa pamilya, sa walong kapatid, hindi pala, sa pito, nag-asawa na ang panganay nila. Sa mga mata ni Jonnel ay gutom, madami naman yung isaw namin ng mga kaibigan ko, Kain. Nag-isaw kami, masarap, matagal sa bibig ko ang lasa, iniisip ko kung gaano katagal bago masuka ang mapangutyang hunyango, hindi pala, chameleon. Pero sabi nga ni Jonnel, sanay na ako, hindi ka dapat masanay Jonnel, dapat naglalaro ka lang.
Pang lima sya, ang nanay n’yang paminsan-minsan ay naglalabandera para sa mga kayang mag-bayad ang gusto n’ya tulungan, sa pagsagot sa tungkol sa mga magulang nya’y bumubulong s’ya at nakatingin sa mga tsinelas n’ya na malamang sa mga kuya pa n’ya, masyado malaki para sa kanya, inatras ko ang Reebok ko, mas nahihiya ako. Ang tatay n’ya paminsan-minsan nag tatrabaho sa pag tatayo ng mga gusaling hindi n’ya mapapasok, ospital na hindi nila kayang puntahan kung mag kakasakit sila, at mga paaralang hindi n’ya kayang bayaran ang tuition. Naalala ko ang Tuition and Other Fees Increase (“adjustment” ang tawag dito sa Econ, para hindi sila makonsensya), paano ang pagkakataong mag-aral nito sa kolehiyo? May TV sila, may kalan, may electric fan, hindi s’ya lulusot sa STFAP na kalokohan. Maganda ba grado mo? Ok lang. Sayang. Hindi pa rin s’ya nakangiti.
Gusto n’ya makatapos, gusto n’ya hindi na naglalaba ang nanay n’ya. Tinanong ko kung magkano benta n’ya sa mga bote, sinabi n’ya, maliit pa yuon kesa sa baon ko, malamang triple nun ang pang gasolina nuong chameleon, kahit na ipunin n’ya yuon mula ngayon hanggang sa makagradweyt s’ya ay malamang hindi parin n’ya mababayaran ang tuition ng UP ngayon. Inisip kong tanungin kung kasya na ba yun, pero natigilan ako. Syempre hindi kasya yun, gagawan na lang ng paraan.
Sabi ko salamat, gusto ko s’ya abutan ng pera pero naisip kong mas gusto n’ya ang kitain ito. Mabilis s’yang umalis matapos ang pag-uusap namin, madami pang basurahan na hindi nahahalungkat, baka maunahan na s’ya nung iba. Hindi nag tagal umakyat na din kami ng kasama ko matapos pa ang ilang sigarilyo, klase na.
Nakita ko s’ya ulit bago matapos ang araw, pero puno na ang sako n’ya. Nilibre ko s’ya ng C2. Syempre sa kanya na yung mga bote, mailap ang mga ngiti n’ya talaga. May mga naitanong pa ako sa kanya, masarap ang kwentuhan, at sa paminsan-minsang sandali palagay ko’y nasulyapan ko ang ilang hibla ng pira-pirasong ngiti.
7 things said:
medyo fictionalized to. hindi lahat true, pero based on true events.
ngiti talaga ang hinahanap mo a.. ang drama, potah. hahaha
gusto ko yung nung inintrohan mo yung chameleon at yung mga sinabi mo sa chameleon., hear hear...
kitang kita ang hiwalay na pamumuhay ng mga tao. iisang bansa? never mo mapag-iisa ang "bansa" dahil na rin sa mga taong hindi naman pare-pareho ang layunin sa buhay. iba-ibang social classes, iba-ibang mithiin.
hindi fictional yan. oo ginawa lang ng isip mo. pero maglakad ka, makikita mo na ang kahirapan, katotohanan yan. parte ng realidad.
pero tama din na hindi dapat isipin na normal yun. dahil kailanman, abnormal ang kahirapan. abnormal na ako kumakain sa eat-all-you-can dinners tas yung iba walang kinakain. abnormal na umiinom ako ng kape na mas mahal pa sa presyo ng isang sakong PET bottles. oo nakakahiya nga.
anu ang dapat gawin?
sa tingin ko, alam mo na ernest. :)
hear hear..
c2 c2 c2
saludo pa ako sa mga batang ito, kasi nagahahanapbuhay sila ng marangal
kaysa naman ang iba diyan, nagkukuwaring marangal, pero mas maitim pa ang budhi ng mga ito kung ikukumpara sa dumi ng paang mayroon ang mga tulad ni jonnel paghahanap ng mumunting bote ng c2, mapunan lamang ang kanilang kumukulong sikmura.
o nga, alam ko na gagawin. Gawin na.
Post a Comment