07 June 2008
Ang Pag-aaral ay isang mahabang pila, hinihintay mo lang ang pagkakataong ikaw na ang tatanggap ng diploma, titiisin mo ang ngawit sa paa, ang gutom, ang tawag ng kalikasan at higit sa lahat ang pagkabagot. Kapag nabagot ka na ay darating ang oras na baka hindi ka na maniwalang namimigay sila ng diploma, hindi naman makakain. Maengganyo ka ng mga parang ikaw din dati na nasa paligid mo, hindi na sila nakapila, walang diploma pero may kinikitang pera. Kumita ng pera, yan naman ang gusto mong mangyari kaya hinihintay mo ang diploma? Bakit ka pa pipila? At maengganyo kang umalis sa pila, dahil sa ngawit kaya? Magpapahinga ka? Ayos lang basta wag mong kalimutang bumalik sa pila pagkatapos. Baka naman dahil gusto mo na din kumita ng pera, ang kaso ay ang diploma ay isang hagdan na gagamitin mo para umangat, o minsa'y lubid na gagamitin para lamang hindi mahulog. Lisensya sa buhay, tama nga sigurong tawagin ang pagkakuha ng diploma bilang "pagtatapos", may natapos ka na, saka ka lamang pwede magsimula. Kelangan mo pumila, at madalas, kelangan mo tapusin.
Ang pag-aaral sa Up ay maraming pila, lahat ay may posibilidad na dalhin ka sa pinaka aasam na diploma, kesyo mukhang mahaba o mukhang maikli man ang pila, ikaw ang magdedesisyon kung saan ka mag-uubos ng oras para sa posibilidad ng isang diploma. Posibilidad lang, dahil hindi laging may naghihintay na palayok ng ginto sa dulo, minsan palayok ng uod, minsan palayok lang, minsan wala pa nga, at malalaman mong mali ang pinilahan mo, lilipat ka naman ng pila. Merong mga pila na pipilahan lang para makapila ka sa susunod na pila, tapos pila nanaman, at pila ulit. Minsan may pila na palayok na ginto lang at walang diploma, minsan walang kahit ano pero natatapos, may matatapos ka, hindi mo na kelangan pang pumila ulit, natutunan mo na ang kelangan mong matutunan ng walang pabuya.
Ako, pumipila lang ako, masakit na ang ulo ko dahil iniisip ko na ang pinipilahan ko ay walang diplomang binibigay, wala para sa akin, wala ako sa listahan ng bibigyan ng diploma para sa pilang ito, sa tingin ko alam ko kung saan naghihintay ang sa akin. Sa kabilang pila, medyo malayo, malamang uulit ako sa dulo ng pilang iyon, at wala nang bawian pagkalipat, pero tingin ko yun ang pila na para sa akin, malamang nandun sa listahan noon ang pangalan ko, baka nandun ang diploma ko. Yuon ang pila na kahit makakuha ako ng diploma o hindi ay matatapos ko, masaya ako. Hindi ako manganagawit.
Hindi madali lumipat ng pila, madami kang kaaway, pangunahin sa mga pipigil sa paglipat mo ay ang sarili mo at mga nagpapapila mismo. Ako sa sarili ko ay natatakot, tama ba ang pananaw ko? Baka naman mas mabilis ko pa matatapos ang pilang pinipilahan ko ngayon kung tiyagaan ko lang at ititigil ko na ang kakasilip sa ibang mga pila. Baka naman masaya na dito, baka may diploma din ako sa dulo, baka naman masosolb na ako at hindi ko na kelangan lumipat pa. Baka naman hindi masaya sa kabila, pareho din, wala din akong makuha sa dulo at pagdating sa dulo, olats din. Mabuo man sa loob ko na lilipat na ako, hindi ko lang naman desisyon ito, hindi basta pumapayag ang mga mismong nagpapapila na pilahan mo na ang pila nila. Madami silang arte, hinihingi, kwalipikasyon; mahusay ka ba sa sining ng pagpipila? Gaano ka na katagal sa pila mo? Malayo na ba narating mo? Desidido ka bang tapusin ang pilang ito? Kelangan mo ba talaga lumipat? Kelangan ka ba namin sa pila namin? Kayanin mo kaya ang pilang ito?
Basta, gusto ko lumipat ng pila, gusto ko makatapos ng pila, gusto ko talaga, hindi ko alam kung dapat akong lumipat o kung may naghihintay bang tagumpay sa akin doon. Kahit saan na lang, basta gusto ko pumila, gusto ko matuto.
12 things said:
malapit na tayong bumalik sa pila!., :)
wag ka nang lumipat ng pila - pano kung panghinaan rin ng loob yung mga taong nasa likod mo? haha labo
parnag pila yung paghihintay,, pero parang hidni pila yung nakikita ko sa sinasbai mo, kasi sa puntong yan, laging natatapos sayo ang dulo ng pila.
weh? natatapos ang dulo, malabo talaga itong metaporang ito, hindi ko sya gusto ( i mean yung blog entry ) kasi confused ako mismo sa sarili ko noong ginagawa ko ito.
Ang ibig ko sabihin sa pila ay hindi kurso, ibig ko sabihin ang proseso ng pag-aaral, ang isang paraan ng pag-aaral na tinatahak, pwedeng sa paraan mo ng pag-aaral ay walang naghihintay na tagumpay, ganun.
gusto din ata lumipat ng pila... hihina lang ang loob nya kung wala syang tiwala sa sarili nyang pila.
unfortunately... hehehe
sabagay. at kung tutuusin, sangkatutak rin ang naghihintay na umalis ka sa pilang ito, para lamang sila mismo'y umabot sa pila. mind you, marami ring 'di pinapila. hahaha
ah eh, ang ibig kong sabihin,, kung pila, hindi lang ikaw yung nakapila,, sa likod mo mahalaga din sila,, sa ideya ng pila,, wala lang,, hehehehe nanggugulo lang
hongaaaaaaa,, may mga hindi pinapila
ayun, sinagot ni Gab yung banat mo tungkol sa mga nasa likod ko sa pila... ayun, tenks Gab... hehehe
?_?,, di pa @_@,,
o de hinde! wala nang sagot yung tanong mo, hehehe
Post a Comment