19 June 2008
Sana mabasa mo ito.
Siguro napuna mo na ang ilan sa mga nasa nakaraan ay sa'yo ko talaga ipinapasagot. Pasensya ka na sa paraan ko ng pagtatanong, at sa paraan ko ng pag sagot sa iba pang tanong na isinisilang ng ating mga pag uusap. Pasensya na sa pagsasara lamang sa konteksto ng pagpapaintindi.
Tama ka, tama ang pangunahin mong payo, at ang pangunahin mo ding hinala, pero hindi kumpletong tama. Hindi man pinaghihilom ng panahon ang lahat ng sugat ay tama kang nililinaw nito ang tubig na nagkulay putik sa pagkabulabog ng lupa sa ilalim nito. Panahon nga ang nag papababa sa mga lupang sumasayaw sa tubig para makita ko ang tunay na kulay ng lahat. Hindi nga ito tulad ng inaasahan ko, sa kasamaang palad ay maling baso pala ang tinitignan ko. Hindi nga patungo sa akin ang hulog ng mga dahon, hindi nga para sa akin ang awit ng hangin. Hindi nga bahaghari ang nakikita ko. Pero sa maling puno ko pala hinahanap ang inukit na mga pangalan, sa tingin ko alam ko na kung aling puno.
Hindi ko na maalala kung ikaw o ako ang nagsabing baka naman dahil sa pagnanais kong makakita ng ginto ay tinatawag ko nang ginto ang kuhol. Siguro tama ka nga, dahil mabigat sa aking dalhin ang katotohanang kuhol pala ang ginto ko, pero kuhol nga, sabi mo'y ayos naman ang kuhol, pero sapat na ako sa kuhol, at hindi ko na nais pa ng kuhol.
Sinabi mo rin, kelangan ko ba talaga ng ginto? Hindi ko siguro magagawang sagutin kung kailangan nga ba, pero nais ko ng ginto, baka sa sobrang pagnanais ay maging pangangailangan na nga. Wala man itong maidadagdag na wala pa ako, o maiaalis na hindi ko nais, nais ko lang ng ginto.
Diba't ikaw mismo ay may ginto? Bakit mo pinulot? Paano kung ang mga katanungan mo sa akin ay itanong ko sa iyo magawa mo kayang sagutin? Hindi kita inaakusahan, nais ko lang malaman kung ginto na ba ito nuong napulot mo, o kuhol din, at naging ginto na lamang sa iyong mga kamay.
Masaya ka, kaibigan, ako'y hindi masyado.
Salamat sa payo, tama ka, salamat.
0 things said:
Post a Comment