Tunay

29 April 2009

Naramdaman mo na ba yung parang gusto mo na ilabas sa buong mundo kung sino ang buong ikaw, lahat ng mali mo, lahat ng sugat mo, ultimo pimples sa pwit mo, kahit tae na pinapahid mo sa tuhod mo gusto mo na sabihin sa mundo. Wala na lang silang masabi na nagpapanggap ka, na may tinatago ka. Para maintindihan nila kung bakit ka ganyan, kung bakit ka kinikilig sa pelikula ni John Llyod at Bea, kung bakit ka natatakot umuwi sa sariling bahay, kung bakit ka pumupunta sa top floor ng carpark ng mga mall para lang umiyak.

Tapos maiisip mo na hindi mo pala kaya ilabas, hindi dahil may gusto ko pa itago kundi dahil talagang hindi naman posible ilabas, hindi pwede isalin sa salita ang lahat ng bakit, ano, paano at gaano ng buhay mo. Hindi mo din kaya ipaliwanag kung bakit ka nahihiya kumain kasama ang pamilya ng iba at nalulungkot kumain mag-isa. Kung bakit ayaw mo na pumasok sa iskwelahan at kung bakit nagmamadali ka tumanda. Wala kang maibigay na eksplenasyon sa mga maliliit at malalaki mong kaartehan, kalibugan, kagaguhan at kapraningan. Wala ka pa lang alam tungkol sa sarili mo, o kung meron man e wala kang kakayahan sabihin ito sa iba.

At nung malaman mo yun ay mababadtrip ka dahil babagsak na sa'yo na ikaw lang talaga ang pwede magdala ng sarili mo, hindi mo pwede ipaintindi sa iba dahil iniintindi din nila ang mga sarili nila. Maiintindihan mo, pero ikababanas mo pa rin na walang totoong makaka alam kung bakit ka ganyan, hindi ka matatanggap ng kahit sino dahil sa alam nila kung bakit, tinatanggap ka na lang nila kahit di nila alam. At maiiyak ka sa ideya na ang mga hindi makatanggap sa iyo ay hindi ka man lang maiintindihan. Hindi man lang nila masasabi sa sarili nila na "Kaya s'ya ganyan kasi ganito, pero ayoko pa rin sa kanya.". Bubuo na lang sila ng mga maling dahilan sa kung bakit ka ganyan, hindi mo man alam kung ano ang tamang dahilan maiinis ka dahil alam mong hindi iyon yun.

Tapos mapapaiyak ka ulit hanggang sa hindi mo na alam kung ano gagawin mo, gusto mo malaman nila kung sino ka, gusto mo malaman kung sino ka. Gusto mo ilagay yuon sa isang flash drive at ilagay na lang sa mga PC ng mga tao para ma-gets na nila kung sino ka, para gawing paliwanag yuon sa mga pagkakamali mo, para hindi ka na titingin sa kamatayan bilang isang perpektong paraan para matapos ang paghahanap sa pagintindi. Tapos marerealize mo na ang emo mo dahil tingin mo walang nakakaintindi sa'yo, pero babalik ka ulit sa ideya na wala naman talagang kaya umintindi kahit kanino, nagkataon lang na gusto mong maintindihan ka.

Hanggang sa ang mga tawanan ay hindi na sapat para mapasaya ka, hanggang sa ang iyakan ay hindi na sapat na labasan ng lungkot, hanggang sa kahit madurog mo na ang mga pader ay hindi pa sapat iyon na paglalabas ng muhi, ng suklam, ng galit sa sarili at sa mundo. Hanggang sa umulit ka na lang, paulit-ulit ka lang, sa pagiyak, pag muhi, pag tawa, pag iyak at pag muhi. Paulit-ulit na pangangailangan sa pagintindi na paulit-ulit mong nalilimutan na hindi naman darating.

 

Naramdaman mo na ba yun?

6 things said:

_Stine Olivar said...

Gusto ko yung pagkadirediretso. Yung pagiging solido at malinaw ng kalabuan.


Bagay yung title sa content, sa dating, sa Ernest sa tekstong 'to.

___________________________

YUng unang part, parang naramdaman ko na nga 'yon.


Heniwey,,, ang masasabi ko,,, pinapabasa mo naman ang sarili mo sa napakaraming tao. Bukas oppurtunity kung sakaling may mang-hack, stalk, o basta... may mang espiya sa'yo o magresearch na biographer sayo kapag sumikat ka na. Blog site mo pa lang, o. ANg dami mo nang na-open.

Nasa mga tao na lang naiiwan...

Pero tama ka pa rin, may naiiwan pa rin na hindi mo nauunawaan na ikaw lang marahil ang nakakakita.

Pero mInsan nga may mga tao na nakakintindi e, nakakaunawa.. kahit hindi 100%. Kaso, wala naman silang pakialam.

Ernest Angeles said...

salamat!

Ernest Angeles said...

siguro pag malaki na ang mga pagkakamali, tsaka pumapasok sa isip na talagang gawing dahilan ang pagkatao sa mga pagkukulang.

_Stine Olivar said...

at...









di ko nagets..


sige wag mo na paliwag, nakakasira ata ng momentum yung kaepalan ng pagkaslow ko, wahahahha

Ernest Angeles said...

oo, hehehehehe

_Stine Olivar said...

ah parang nagets ko bigla

 
ODIFMI Diaspora - by Templates para novo blogger