Kababata

08 June 2009

Hindi na ikaw ang kilala ng ako na hindi na ako.

Sa musmos nating mga isipan naglalakbay

Ang mga anino ng mga tayo na tayo na ngayon.

Patunay lamang ang kakayahan kong sabihing

Minsan tayo'y naging mga muyit na walang muwang

Sa katotohanang hindi na ako at hindi na ikaw

Ang nakalarawan sa guhit ng lahat ng nakaraan na.

 

Sa panghuhuli ng tutubi at pagpapalipad ng saranggola

Minsa'y nakilala din ng lupa ang pakiramdam

Ng init ng ating mga hubad na talampakan.

Madaming araw na din ang namatay

Mula nuong huling nakisayaw ang mga puno

Sa awitin nating mga batang naghahalakhakan.

 

Hindi na alam ng mga bituin kung alin sa milyong mga matang

Nakatulala sa hiwaga nila ang sa atin.

Hindi na napapansin ng mga mikrobyo ang mga sugat

Lalo't hindi na dala ng pagkakapatid sa konkretong palaruan.

Hindi na kita kilala at hindi na tayo kilala ng ating mundo

Dahil ikaw at ako na lang ang may alam

Nang kung sino tayo noon.

3 things said:

_Stine Olivar said...

malayang taludturan?

bata batuta

Ernest Angeles said...

oo, pero wala naman ako talagang kababata na nakalaro ko, loner ako nung bata ako e,

trip ko lang gumawa ng parang ganyan, prang love story na hindi.

_Stine Olivar said...

ngik, haha...

 
ODIFMI Diaspora - by Templates para novo blogger