The Shoplifter in the Rye

02 October 2007

The Shoplifter in the Rye

Ni Ernest Jean Angeles

 

Natapos ko na basahin ang “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger. Yung kopya ko nito e walang back cover, pinunit yu’n, ako pumunit nu’n, tsaka amoy bayag din. Hindi akin ang kopyang ito ng “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger, hindi ko nga lam kung may lehitimong may-ari ba ito. Siguro National Bookstore pa rin ang may may-ari nito kahit na nasa akin pa ito kasi wala naman kaming lehitimong palitang ginawa. Siguro hindi muna ako papasok sa National Bookstore ng medyo matagal (siguro mga tatlong buwan, matagal na yun). Sigurado akong hindi dapat nasa akin ‘to pero nasa akin nga at tapos ko na nga basahin itong “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger. Sa katunayan, initsa ko na nga yun dun sa ibabaw nung mga gamit ko, yung pyramid ng halo-halong gamit ko sa skwela, sa pagdodrowing at pag-aaral. Magkakaiba yun kasi hindi naman ako nag-aaral pag nasa skwela, hindi naman pag dodrowing ang pinag-aaralan ko at hindi naman skwelahan ang dinodrowing ko. Pero ayun nga, asa tuktok nung pyramid yung “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger na hindi akin (hindi din kay J.D. Salinger, s’ya lang yung otor) kasi sa National Bookstore yun at ninakaw ko yun sa SM North EDSA branch nila kahapon.

Ganito kasi yun, nasa National Bookstore SM North EDSA branch ako at wala akong pera. Hindi naman ako pumasok dun ta’s sinabi ko na “OKEY! NANAKAWAN KO ANG LUGAR NA ‘TO!!! SAAN N’YO NILAGAY ANG MGA KOPYA NG THE CATCHER IN THE RYE?!” hindi ko ginawa yun kasi maling paraan yun, basta hindi ko naman talaga inisip na mapapanakaw ako nung araw na yun.

Pero ayun nga, may nakakatuwa pa palang nangyari pag pasok ko, nag beep yung detector nila! Pero hindi ako yung may kasalanan kasi hindi pa naman ako nakatapat dun sa detector nila nung nag beep yung detector nila. Kasi nga yung isang miss na kabibili lang dun sa isang cashier na hindi diretso palabas pagkabayad. Meron yatang dalawampung cashier na deretso ka palabas pero hindi nga s’ya dun nagbayad, dun s’ya dun sa isa sa tatlong cashier na hindi ka deretso palabas pagkabayad. Hindi naman puno yung National Bookstore SM North EDSA branch kaya hindi naman mahaba yung pila sa mga cashier na deretso ka sa labas pero tingin ko lang e kaya s’ya dun sa isa sa mga cashier na hindi deretso palabas nagbayad e kasi mas malapit yun dun sa pinagkunan n’ya nung mga binili n’ya, yun. Pero ayun nga, pag palabas nung miss e nag beep yung detector kaya tinigil s’ya nung gwardyang mukhang hoodlum, ta’s pinalbas n’ya yung lahat nung laman nung plastic bag nung miss na maganda pala, napansin kong maganda s’ya kasi cooperative s’ya dun kay hoodlum ta’s ambait ng mukha n’ya. Ta’s ayun nga, nilabas n’ya yung laman nung plastic n’ya, krayola lang nakita ko pero meron pa ata iba. Inisip ko kung kakapkapan ba s’ya ni hoodlum e kasi kung ako si hoodlum e kakapkapan ko si miss kasi ang cute ng pwit n’ya ta’s ang seksi pa n’ya kaso baka kasuhan ako nun kaya buti na lang hindi ako si hoodlum. Hindi naman s’ya kinapkapan pa, mas hoodlum pa yata ako kay hoodlum. Hindi ko pa ninanakaw yung “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger

Ayun nga, asa loob ako ng National Bookstore SM North EDSA branch, konti lang naman ang tao kahit na sabado’t mga ala-sais e madalas madami tao dun kapag sabado ta’s medyo pagabi na. Hindi naman dahil bumibili sila ng libro o ano man basta andun lang sila, asa school supplies yung iba ta’s guguluhin nila yung pagkakaayos nung mga specialty paper para kunwari namimili sila. Yung iba sa magazine stands ta’s tinutunaw yung mga cover girl nung mga FHM, o Maxim o kung ano pa man. Yung iba talagang malupit e asa Romance novels shelves ta’s dun na mismo nila babasahin, sabagay ako rin naman ganun pero hindi ako sa romance novels nabubuklat. Madalas ako dumaan sa shelf na yun kasi malpit yun sa shelf ng graphic novels kahit na wala naman kinalaman yun sa isa’t isa. Talagang pinupuna ko yung mga romance novels, yung tipo bang titigil pa talaga ako dun sa shelf nila para lang mangiti dun. Paano ba naman yung mga drowing sa mga pocketbook na yun e magkakamukha, lintek, iisa ba mukha e! Madalas lang kapareho nung hairstyle nung lalaki sa kung sino mang Boy band ang asa kasikatan nung panahon na dinrowing yun ta’s iba-iba lang yung damit. Minsan yung lalaki nag-mukha lang nag-Saudi kasi may bigote, ta’s yung babae nag-mukhang nag-Japan kasi makapal yung make-up, pero ganun pa din mga itsura nung mga lintek. Pero mas nakakatawa yung mga title, pwede kang bunuo ng mga pangungusap gamit yung mga title, halimbawa; “Ang Pag-ibig ko, Para Sa Iyo Lamang, Hanggang sa Huling Sandali,” o di ba malupet? Meron pa! “Hindi ka kanya, Ikaw ay Akin, Maging Buhangin man ang Dagat” lintek! Subukan ko nga nekstaym gumawa nang lab leter na puro ganun lang. Basta ayun, andun na ako sa loob nung National Bookstore SM North EDSA branch. Hindi ko pa ninanakaw yung “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger

E kaya naman ako nandun kasi naghihintay pa ako ng alas-otso, kasi may pinagawa ako sa computer repair center sa SM, malamang kompyuter yung pinaayos ko. Kayak o pinagawa e kasi sira, kaya sira e kasi may virus, e hindi ko matanggal yung virus gamit yung meron na ako kaya pinaayos ko na lang. Nakakatawa nga sana yung Virus kung hindi lang nakakainis e. Galing sa flash drive ng kapatid ko yun e, sinaksak n’ya sa kompyuter, nahawa yung kompyuter, ayun kumalat na, hindi ko na magamit., pero hindi ito yung nakakatawa, ito yung nakakainis. Yung nakakatawa e yung biglang may lalabas sa screen na window na ang sabi e “DESTRUKTO: Sampung Utos ng Manginginom” ta’s nakalista sa baba nun yung sampung utos ng manginginom ayon sa konyong kabataang natuto lang uminom e pakiramdam n’ya siga na s’ya samantalang supot naman. Kaya ko sinabing ayon sa konyong kabataang natuto lang uminom e pakiramdam n’ya siga na s’ya samantalang supot naman e kasi may mga utos na tungkol sa selpon, kotse at gelpren o boypren. E kung yung manginginom sa kanto ng mga kalyeng Panggasinan at Mindoro ang gagawa ng sampung utos e walang tungkol sa selpon, kotse o gelpren at malamang hindi na n’ya gagawing virus yun. Natawa ako dun, tsaka dun sa salitang “destrukto” kasi sarap ulit-ulitin, sarap din sapak-sapakin nung gumawa nung virus na ‘to kasi  limandaan na nga lang pera ko e pinambayad ko pa para lang paayos yung kompyuter, kasalanan talaga n’ya kung bakit ko ninakaw yung “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger e. Hindi ko na din pala maalala yung sampung utos n’ya ng malinaw kasi hindi ko binabasa ng maayos kasi pakiramdam ko e kinukunsinti ko pa yung Virus. Pero ayun nga, sabi nung nag aayos e alas-otso ko daw balikan kaya andun ako sa National Bookstore. Hindi ko pa ninanakaw yung “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger

Ayun na nga andun ako at gusto ko magsunog ng oras, nagiikot-ikot ako sa mga shelf, ta’s naisip kong pumunta sa mga Pilipinong otor. Ta’s napunta nga ako dun sa shelf nung mga Pilipino na otor (shelf kasi hindi shelves, kasi isa lang talaga yung shelf na para sa mga Pinoy) ta’s hinanap ko sina Edgardo Reyes, Joey Baquiran, mga ganun pero wala, lagi naming wala, ewan ko nga ba kung ba’t nag abala pa ako tignan e tuwing pumupunta naman ako dun e wala. Puro Bob Ong, Jessica Zafra at F. Sionil Jose lang ang nandun, lintek. May mga librong pang kabaklaan, may mga joke book, may mga akala mo joke book, may mga hindi joke book pero ang laking joke nung laman, pero ala nga yung mga librong trip ko. Siguro kung hindi ka si Bob Ong, Jessica Zafra o F. Sionil Jose kelangan pag gagawa ka ng libro e puro kabaklaan, o kaya puro kalokohan, o kaya tungkol sa kung paano mag kakapera ng mabilis, kung desperado ka e pwede ka naman gumawa ng cookbook ng pulutan. Pero ayun nga, hindi ko nakita yung mga librong trip ko kaya nag ikot-ikot uli ako. Naisip kong hanapin yung Art of War na sinulat nung isang chekwa pero bago ko pa masimulan hanapin yung Art of War na sinulat nung chekwa e nakita ko yung isang libro ni Robert Ludlum, yung sumulat nung The Bourne ewan-ewan. Kaso hindi pala talaga s’ya yung otor nung nakita ko, kunwari lang. Yung libro e “The Bourne Legacy” ta’s iba naman ang sumulat, ginamit lang yung pangalan ni Ludlum, ganito nakalagay; “Robert Ludlum’s The Bourne Legacy” pero hindi talaga s’ya yung sumulat ginamit lang yung character ni Jason Bourne matapos mag paalam (bayaran?) si Ludlum. Nainis tuloy ako kasi para silang nakakaloko. Para bang yung ginawa din ni Tom Clancy, basta yun. Pero ayun nga, nakita ko yung isang librong si Bourne ang bida na pero di ko binuklat kasi hindi si Ludlum ang sumulat e meron nga dun na si Ludlum ang sumulat kaso hindi si Jason Bourne ang bida kaya ayoko. E gusto ko pa man din si Jason Bourne kasi sya yung astig na espiya na ultimate soldier na hindi naman talaga espiya o soldier kasi nag defer nga sya kasi nagka amnesia sya. Basta yun yung ideya nun, alam ko kasi napanood ko sa pelikula kaya lang sabi nila bullshit yung pelikula kung ikukumpara sa libro katulad nung The Sum of All Fears tsaka The Beach. Lintek, nung pinanuod ko yung the Sum of All Fears gusto ko itali si Ben Affleck sa kawayan ta’s tsaka ko lilitsunin. Nung napanood ko naman yung The Beach gusto ko ipakain kay Leonardo De Caprio si Ben Affleck na nalitson na ta’s s’ya naman yung itatali ko sa kawayan at lilitsunin. Basta ayun na nga, hindi ko nakita yung mga Pinoy na otor na trip ko at yung libro ni Ludlum na s’ya ang sumulat na si Bourne ang bida kaya nag-ikot pa ako. Hindi ko pa ninanakaw yung “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger

Ta’s napunta ako dun sa area nila na dating area ng Tower records ta’s binili ata nila ta’s ginawa nilang extension ng National Bookstore SM North EDSA branch. Napunta ako dun kasi andami pang libro dun, ta’s mas konti pa yung mga tao, hindi ko pa naman binabalak mag nakaw ng libro nun kaya hindi naman issue kung madami bang tao dun o wala basta andun lang ako kasi trip ko pa maghanap ng libro.  Ta’s dun ko nakita naka display yung “The Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger, pero hindi ko pa ninakaw yun nung oras na mismong yun. Naalala ko lang na matagal ko na gusto basahin yun kasi sabi nila bagay daw sa akin yun kahit ewan lang tsaka madalas ko ngamadinig yun kaya gusto ko pero ayaw ko din (oo, magkasabay kong ayaw at gusto, ganun talaga, wag ka kumontra at baka mawala ang magic) kasi pakiramdam ko may sa demonyo yung libro kasi putting-puti ta’s di ko pa maintindihan yung title, ni hindi ko nga alam kung ano yung “rye” e. Basta nawiwirduhan ako sa dating nung libro, pero gusto ko bilhin pero ala akong pera kasi pinaayos ko nga yung kompyuter ko kasi sira kasi may virus. Kaya naisip kong tulad ng lagi kong ginagawa e dun ko na babasahin tutal e sanay naman ako ng ganun. Pero ala naman akong nakitang kopyang bukas na kaya kumuha ako nung mga nakaplastik pa. Sa totoo lang nagagalit sila pag tinatanggal mo sa pagkakaplastik yung mga libro kasi kung okey lang sa kanila e hindi na nila sana pinlastikan ulit pag tinanggalan mo na, e kaso hindi naman nila ako nakita nung tinanggal ko yung plastic kaya okey lang kahit magalit pa sila. Pero lintik, matindi ata talaga yung galit nung nagbalot nung kopyang nakuha ko kasi apaka higpit nung pagkakaplastik tas isang bilog atang iskats teyp ang ginamit para dun.  Ayun nga, nabuksan ko pa din ta’s sinaksak ko yung plasyik dun sa likod nung shelves nung mga self-centered na otor (yung mga ang tanging naisulat e autobiography) at tinukod ko na yung siko ko dun ta’s nagbasa na ako.

Eto na  nga, edi binabasa ko nga yung “the Catcher in the Rye” ni J.D. Salinger ta’s nung asa page three pa lang ako e na banas na ako, hindi naman dahil sa nakakabanas  yung libro, dahil lang sa gusto ko lang basahin na lang yung libro sa bahay, kaso hindi ko mabili kasi nga walang pera. Habang iniisip ko ang gagawin ko e pinalilipad ko yung mga pahina nung libro, ta’s may napansin ako sa back cover.

Ayun, nakita ko yung sticker na may bakal na parang naka coil na nagpapa-alarm nung detector. Hindi ako ganun kasigurado pero parang ganun e kaya yun na yung inisip ko. Ayun, nito ko lang naisip itakbo na itong libro pero syempre hindi literal kasi kung itatakbo ko ‘to edi masyado halata. Kaya dahan-dahan ko muna tinanggal yung istiker na nagpapa-alarm, medyo palinga-linga pa ako kasi may mga dumadaan na staff nung National Bookstore. Natanggal ko naman din, pero naiwan pa yung dikit tsaka medyo bakat pa yung mga tira nung bakal na istiker na sensor ata. Napapraning na talaga ako nung mga oras na yun.

Ayun praning na talaga ako, kimupol kumpol ko na yung istiker islash sensor islash bakal na bagay sa kamay ko, sa totoo lang trip ko nga ihulog dun sa backpack nung isang mukhang tanga dun para mag beep pag labas n’ya tas tignan ko lang kung kakapkapan ba ni hoodlum kung lalaki yung dumaan ta’s nag beep. Pero hindi ko hinulog kasi sapat na ang isang kasamaan isang araw. Basta napapraning ako, e kasi hindi pa masyado buo yung kisame nung extension ng National Bookstore kaya kita mo pa yung airducts pero pakiramdam ko andaming mga security camera sa paligid, Buti na lang e madami akong alam sa security camera kasi hindi n’yo naitatanong mahilig ako sa mga me kinalaman sa pag-eespiya kasi idol ko si Jason Bourne kaya nadetermine ko na na ang lahat ng security camera ng National Bookstore ay nasa entrance/exit nasa may cashiers at wala na. Kahit na napapraning na ako e naisip ko pa yun.

Pero ganun ata talaga pag alam mong may gagawin kang kasalanang malupit, nakakapraning. Hindi parin ako mapakaling isipin na baka mag alarm pa din kahit natanggal ko na yung istiker, kasi sa sobrang kapraningan ko e tinignan ko yung ibang libro kung may istiker din sila tulad nung sa “The Cathcer in the Rye” e wala, inisip ko tuloy ulit yung buong plano. Ta’s ayun, sa kapraningan ko e pinunit ko yung back cover nung libro para sigurado na na hindi mag-aalarm kahit sa remnants na lang nung stiker. Andun pa yung price nung libro, P169.50. Lintek, ito na ba ang halaga na magagawa kong ipagpalit ang dangal ko? Ang madaling sagot dun ay “oo!” kelangan talaga may exclamation point. Ta’s sinaksak ko yung back cover nung libro sa libro dun ng 75 Greatest PBA Players of All-Time, hindi ko nga maalala kung seventy-five nga ba, basta inipit ko yung cover dun sa page ni Samboy Lim.

Ayun, may problema pa ako, hindi ko alam kung saan ko itatago yung libro, hindi naman ako naka-six pocket nung araw na yun, yung shorts ko lang na maong na generic ang suot ko, wala pa akong bag. Hindi ko naman pede itago sa t-shirt, mas lalo namang hindi pwedeng hindi ko itago. Ta’s napansin ko bukas pala zipper ko, kanina pa pala ‘to, lintek nahiya ako nun bigla. Ta’s nakita ko yung blessing na ideya, ang husay talaga ni God, nagawan n’ya ng paraan kung paano ko mananakaw yung libro. Kaya shinoot ko yung libro sa zipper ko at inipit ko sa brip ko. Ayun, solb ako dun..

Ta’s eto na, game na, kelangan ko na ilabas sa National bookstore SM North EDSA branch. Hindi naman halata sa shorts ko na may librong nakatago katabi ng Jingle balls ko e kaya okey lang. Ta’s papunta ako dun sa exit kung nasaan si hoodlum, deredertso lang, parang wala lang, parang wala lang. Pagdaan ko sa sensor muntik na ako mapapikit sa kaba, pero lintek, antagal kong pinaghandaan parang wala lang talaga, kasi alang nangyari, hindi nag-beep. Dapat siguro matuwa ako pero ewan, basta okey na, tapos na.

Wala na ko problema dun, nabasa ko na nga si Salinger at natuwa naman ako. Parang gusto ko nga lang batukan yung kung sino man ang nagsabi na parang ako daw yung bata dun sa “The Catcher in the Rye”, lintek. Siguro kung tao itong bida sa librong to ta’s sabihin n’yo sa kanya parang preho kami e s’ya pa yung ma-offend e! Ayun, ganun lang.

2 things said:

romiena albano said...

natawa ako dun sa part na talagang ginawa mo na. hehe. anhaba kasi ng intro eh. hehe.

at ernest, kamusta naman ang "pwit"?!

anak ng (&%$^&$(*&^_(*^_(^&!!!!!!!

hahaha. nawindang ako. hanep. o pahiram naman ako ng libro mo?! :) nyahahahaha.

winner ka iho!

Ernest Angeles said...

Syempre, pero actually, fiction yan, pero medyo true, kasi nag nakaw talaga ako tas nakita ko talaga yung babae tas inaway ko talaga yung libro ni Ludlum, pero hindi ko pinunit yung back page, (bale yun lang pala yung fiction)

 
ODIFMI Diaspora - by Templates para novo blogger