Ang Walang Katapusang Reklamo ng Isang Kamoteng Manunulat sa Kakornihan ng Mundo

16 March 2008

(ginawa ko ito para sa KAS2 ni N.M.R.Santillan)

 

Natatawa ako, hindi ko alam kung kasalanan ba ng pagiging manunulat ko ang bilis ko pumansin ng mga metapora sa mga makamundong bagay sa mundo tulad ng mga gabay sa pagsusulat para sa pagsusulit sa kursong Kasaysayan 2. Tignan ulit natin, ayun, inatasan akong gumawa ng diskurso tungkol sa Flat World na nagpapakita ng Lalim ko bilang estyudante. Flat pero malalim? Kaya siguro mababa ang mga grado ko sa Kas2, hindi lang yata kami nag kakasundo ng takbo ng utak ni Ginoong Santillan. Pasensya ka na Ginoong Mambabasa, medyo pinipilosopo kita. Nakakatawa lang yata talaga sa akin ang mag-sulat ng in-depth tungkol sa flatness, pasensya na din dahil parang ako lang ang natatawa.

 

             Historian nga si Friedman, hindi talaga manunulat, kasi flat kaagad naisip n’yong salita para sa isang mundong napaglalapit na ng teknolohiya. Mas tama parin yata para sa depinisyon n’ya ng flatness ang imahe ng mundong bilog. Pasensya na ulit, alam kong hindi ito dapat isang rebyu ng gawa ni Friedman, hindi nanaman ako makatiis.

 

            Pero dahil makiki-epal na ako sa ideya n’ya, mabigat para sa akin ang isang flat na mundo. Mabigat na dalahin para sa katulad kong manunulat ang pagkakaroon ng mundo ng iisang kultura dahil sa Globalization na tinatawag nga ni Friedman na Flatness. Siguro mas ekonomista pala s’ya kesa historian, kasi sabi n’ya halos wala nang kompetisyon (kung ito ng ba ang tamang transaltion ng konseptong ‘level-playing field’). Para sa akin, nagiging flat ang mga karakter at nawawala ang kapangyarihan ng mga natural na paniniwalang kinakain ng iisang pang mundong kultura. Nagiging korni ang mundo, nakakatakot, baka mawalan na akong ng isusulat, magiging mundane na ang mundo. Siguro duon bumabagay sa akin yung terminong Flat world, flat na korni, flat na ordinaryo, flat na boring, flat na flat. Parang gulong, pag na flat na hindi na s’ya gulong, goma na lang.

 

            Isinisisi ko ang lahat ng pagka Flat na ito sa tatlong bagay: Printing press, Television, at Internet. Syempre ang pinaka akma para sa panahon ko ngayon at sa pinagsasabi ni Friedman ay yung kasalanan ng Internet. Internet na naimbento noong 1973, na nagsimula sa koneksyon lamang ng ilang unibersidad at research facilities via computers. Alam kong hindi din dapat maging listahan ng mga detalye, pero isa lang naman, hindi naman sguro magiging listahan.

 

            Nakikita ko na ang sarili ko sa internet, akalain mong naimbento na ang mga blog, may kapangyarihan na akong ipagsigawan sa world wide web na ang korni-korni ng buhay ko, wala paring nakikinig sa akin pero at least naisisigaw ko na. Yuon nga lang, bumababa na ang depinisyon ng isang manunulat dahil sa kapangyarihan na ito. Pakiramdam tuloy ng iba na pwera may blog ka na ay pwede ka na tawaging writer. Pwera may nagkokoment sa account mo sa wordpress o sa blogger ay magaling ka na at may fans ka na. Nakakairita naman para sa mga tulad kong ginagawa ang lahat para gumaling. Sabi nga sa akin ni Propesor Jun Cruz Reyes (propesor ko sa MPs 170 at tinuturing kong mentor) na ang blogs ay community ng non-writers. Kumbaga mga hindi writer na nagsusulat tungkol sa kakornihan nila na kinokomentuhan naman ng iba pang hindi writer. Matapos n’ya sabihin iyon ay kinumbinsi n’ya kaming mag-blog, ang wirdo talaga ng mentor ko.

           

            Parang mga sa mga artist din ‘yan e, halimbawa, may website na tinatawag na Deviantart.com na para sa mga nagpapaka artist na gusto mag upload ng kanilang mga artwork-kuno para ipakita sa madlang people. Aba, instant artists na sila, yun nga lang nobenta porsyento yata sa mga may account sa deviantart ay wala naming kwenta talaga, nagpapaka magaling lang, hindi naman. Bumababa na din tuloy ang depinisyon ng artist. Dahil may Adobe photoshop na, dahil kahit sino makakabili na ng digital camera, dahil naipublish na ang milyon-milyong libro tungkol sa kung paano mag drowing ng tama. Kahit sino pwede nang mang gaya at sabihing artist sila, nawawala na ang uniqueness, ang innovation, ang angas na dapat nasa artwork at wala sa artist.

 

            Flat na ang mundo ko, dahil nagawa na ni Nicanor David makapaglabas ng librong puro blog entry lang (Kwentong Tambay), kahit korni s’ya gumawa ng travelogue (bakit travelogue ang laman ng libro n’ya? Akala ko ba tambay s’ya?). Akalain mong mas magaling pa mag sulat sa kanya yung nag vandalize ng napakagandang tula sa banyo, tapos s’ya may libro, kami hanggang banyo lang talaga? Anakanantutsa, hindi naman ata makatarungan iyon. Ilang buwan na akong nagpupuyat, nagpapagod, nagpipiga ng utak para lang matapos na ang manuscript ko (hindi parin tapos) na gusto ko bonggang-bongga pag naipublish dahil ayoko naman mag labas ng libro na babasahin ng isang beses kasi nakakatawa tapos hindi na pupulutin pa. Tapos dahil lang sa ang daming humahalakhal sa blog ni David e worthy na s’ya ng isang libro? Dati, mataas pa ang lebel ng angas na katapat ng pagiging karapat-dapat para sa isang libro, hindi naman kailangan may PhD ka, pero dapat magaling ka man lang mag sulat, kasalanan ng internet ito.

 

            Okay, bitter nga siguro ako, pero hindi ko lang matanggap na pinapababa ng flat world na ito ang depinisyon ng mga propesyong matagal ko nang pinapangarap. Hanggang ngayon hinihintay kong tigilan na ni Ser Jun Cruz Reyes ang kasasabi sa akin na “Magiging writer ka…” at sabihin na n’yang writer na ako.

 

            E ang Pinoy? Nasaan sa isang flat world? Ayun, edi na ganap na n’ya ang kataas-taasang pangarap n’yang magpanggap na puti, na mag English sa internet, na magpaka kolonya sa bagong kulturang ‘di n’ya alam ay talaga naming kasali s’ya. Naglalagay ng mga video sa youtube para pagtawanan ng buong mundo ang kapwa n’ya Pilipino, nagbablog sa internet tungkol sa pagkamuhi n’ya sa Pilipinas. Ayun, ganoong ganoon parin ang Pinoy, naka I-Pod, naka Nokia, naka Nike, naka Levi’s. Ayun si Pinoy, nagdadownload ng video sa mga bit torrent site at pinipirata sa VCD. Ayun si Pinoy, may bagong paraan ng pagpapakalat ng tsismis. Ayun si Pinoy, sumasakay sa lahat ng pinapauso ng Internet, ng korning mundo. Ganoon pa rin pala ang Pinoy, nag-iba lang ng medium pero pareho din ang pinipinta.

 

            Ang Asya? Pakiramdam yata ng mga puti sila na ulit si Marco Polo, manghang-mangha pa rin sila sa “Kultura” di-umano ng mga Asyano. Kultura? E lahat na ay nagpapantalon, yung pinauso nilang de-kurbata ang suot sa opisina, naka-MP3 player, swerte pa nga at may natitira sa kultura nila para kamanghaan e. Asia-Pacific Century ba ang siglong ito? Siguro dahil magagawa na nating kopyahin ang mg puti, siguro bibilhin na ng Indonesia ang New York, siguro makukuha natin ang Spratlys, siguro dahil tatamaan na talaga ng karma ang lahing anak-araw sa lahat ng kasalanan nila sa mga kultura natin.

 

            Dahil sa dinadala na nating mga Asyano ang kultura natin sa Mainstream, dahil sa pinapauso natin ang mga tira-tira ng kultura natin sa mga kasalukuyang hari-harian, dahil kasalukuyang nagtitimpla ng bagong kultura ang buong mundo tamang-tamang pagkakataon ito para haluan natin ng isang dakot na vetsin ang timpla, lagyan na ng pang lasang Pinoy, o Asyano pa man. Aba, samantalahin na natin ito, total ito rin lang naman ang pumapatay sa kultura ng natin bakit hindi natin ditto itanim at makisabay tayo sa pagtubo n’ya, ng sa gayon kapag tapos na sa pag tuluyan nang malago ang puno ng kwadradong mundo, at sumabay na sa pag lago sa mga sanga nito ang bagong kulturang Pinoy-Asyano, edi hamong lingkisin na ng mga ugat ng kultura natin ang kwadradong mundo, tayo naman ang hari. *cue evil laughter*

 

            Nakakatawa talaga, madami sa mga napulot ko na nakatulong sa mga ideya ko dito ay napulot ko sa ilang taon ko nang pagiging lagalag sa internet na sya mismong inaaway ko, nakakatawa pero hindi na ako tumatawa. Ayoko parin ng ideya ng iisang kultura para sa buong mundo, mas gusto ko na ang posisyon ko bilang isang politically-incorrect racist sexist writer kesa sa maging matinong writer sa makabagong depinisyon. Mahirap na talaga mag sulat pag iniisip mo na ang pagiging tama mo para sa lahat ng tao, kaya masarap mag-sulat ng mali. Kamote pa nga siguro akong manunulat, pero at least hindi ako korni.

5 things said:

_Stine Olivar said...

Kamote pa nga siguro akong manunulat, pero at least hindi ako korni.

-Pili daliri.

Ernest Angeles said...

weh, korni mo.

_Stine Olivar said...

hhaahhahahahahahahaha

ay tae,, natawa ako tsk.. ~_~

rica lapira said...

fg

Ernest Angeles said...

? di ko alam yang abbreviation na yan sorry, ahehehehe,

 
ODIFMI Diaspora - by Templates para novo blogger