Isang Bayograpiya batay sa mga tala sa mga libro at konbersasyon kay Jun Cruz Reyes

18 March 2008

Nuong propesor ko pa si G. Jun Cruz Reyes madalas ko siyang sinusundan pagkatapos n gaming klase sa MPs170 kasi alam kong tatambay pa s’ya sa may daanan patungong Faculty Center mula Palma Hall para manigarilyo bago ang susunod n’yang klase. Hinahabol ko s’ya para makisabay mag-yosi at para na din makipagkwentuhan tungkol sa pagsusulat. Magulo ang mga kwentuhan namin, madalas ay pinupuri lang n’ya ang mga gawa ng kaklase ko dahil magaling daw kami. Natatanong ko din naman s’ya, madami akong natutunan sabay ng pagpapatiwakal naming sa yosi.

 

Minsan nabanggit ko sa kanyang plano ko mag-shift sa Malikhaing Pagsulat, sabi n’ya ay huwag, baka hindi nanaman daw kailangan. Hindi ko lang naipaliwanag sa kanya na iniiwasan ko lang ang Matematika sa kurso ko. Hindi naman din gradweyt ng MPs si Ser Jun Cruz Reyes, gradweyt s’ya ng Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas, matagal na ‘yon kasi 70-10029 pa ang student number n’ya, sabi n’ya hindi naman daw n’ya nararamdaman ang pagtanda. Noon daw nag-aaral s’ya ay bumagsak s’ya sa Matematika, sa inis yata sa sarili (o siguro hindi n’ya matanggap na sadyang bobo s’ya sa Math) kinuha n’ya ulit yung kurso, pumasa naman, hindi nga s’ya bobo sa math.

 

Ang pangalan n’ya ay Jun Cruz Reyes, pero biniyagan s’ya bilang si Pedro Cruz Reyes Jr., pinalitan n’ya ang pangalan n’ya kasi nailista na daw sa mga pinaghahanap noong Martial Law ang pangalan n’ya kasama ng mga pangalan ng mga criminal. Nasa order of battle pa nga dawn g Bulakan noon. May patong na dalawandaang piso sa ulo n’ya para sa kung sino mang makakapagturo sa kinaroroonan n’ya. Sabi n’ya yun sa libro n’yang Ilang Talang Luma Mula sa Talaarawan ng Isang may Nunal sa Talampakan.

 

Ang taguri sa kanya ng madami ay Manunulat na may Nunal sa Talampakan dahil lakwatserong naghahanap ng kwento itong si Ser Jun. Naikwento n’ya minsan noong napunta s’ya s Irosin, Sorsogon, ayaw na n’yang bumalik dahil sobrang bait sa kanya yuong tinutuluyan n’ya, mahiyain pala si Ser Jun. Madami na ngang dinurang kwento mula sa mga paglalakbay at pageeksperimento sa literatura itong si Ser Jun. Isa sa mga ito ang koleksyong Ilang Taon na ang Problema Mo?

 

Ang mga sumusunod ay impormasyong nakuha ko sa Paunang Salita ng koleksyon n’yang Utos ng Hari at iba pang mga kwento 2nd Ed.

 

Noong 1973, isa s’ya sa pampataas ng porsyento ng walang trabahong kabataan sa Pilipinas, nakatira sa Lola n’yang kumukunsinti sa pagkabatugan n’ya ng nilapitan s’ya ng kaibigan n’yang si Fanny A. Garcia at binalitaan ng patimpalak sa Palanca. Sa loob ng dalawang araw at dalawang gabi tinapos n’ya ang una n’yang kwento, ang Isang Lumang Kwento na naihabol naman sa deadline. Makalipas ang isang buwan nalaman n’yang nanalo s’ya, bumili s’ya ng makinilya.

 

Dahil sa panalong sinasabi n’ya ay tsamba lang (hindi daw sumali yung mga magagaling nuong taon na iyon) naanyaya s’ya sa DPI at duon s’ya natuto magsulat ng medyo mas propesyonal. Noong nagsara ang DPI inanyaya s’ya ni Bienvenido Lumbera na magsulat para sa Sagisag, isang magasin. Habang ganoon ay kinukulit s’ya ni Rio Alma na gumawa ng sanaysay kahit na tula ang nagugustuhan n’ya noon.

 

Hindi rin daw sinasadyang napagawa s’ya ng mga rebyu ng pelikula, nagkataon lang daw na walang gagawa ng rebyu noong mga panahon na iyon. Matapos ang isang taong pagrerebyu naimbita na s’ya ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino dahil kritiko na daw s’ya ng pelikula.

 

Naanyaya din s’yang sumali sa GAT o Galian sa Arte at Tula na nagsimula lang na mga kainuman n’ya hanggang sa lumalim na sa literature ang samahan nila.

 

Matapos iyon, dahil sa mga kantyaw na nagsusulat lamang s’ya para sa Palanca, at sa pag pukaw sa isip na walang pera kung pagsusulat lang ang propesyon ay pagtuturo ang hatak na kinalagyan ni Jun Cruz Reyes. Anak-anakan na s’ya ng UP Creative Writing Center, ngayon nga ay tatay-tatayan na ng ilang batang manunulat tulad ko.

Bukod sa pagsusulat ay nagpipinta rin si Jun Cruz Reyes, naniniwala kasi siya na ang isang artista ay kaya gumawa ng kahit anong uri ng sining, pinta man o tinta. Sa kasalukuyan s’ya ay nagtuturo ng Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas at rumaraket ng mga Seminar, workshop, atbp. sa iba’t ibang paaralan. Madalas pa rin s’yang namamataan humihithit ng Phillip Morris Menthol 100’s sa may Faculty Center ng UP-Diliman.

7 things said:

Ernest Angeles said...

ginawa ko ito para sa final paper sa Fil20

_Stine Olivar said...

aaah.. para sa final paper,, hahaha akala ko adik lang,,

Ernest Angeles said...

dapat formal ito e, pero adik lang ang kinalabasan.

_Stine Olivar said...

hahahaha de ang ibig kong sabihin,, akala ko adik ka lang talaga kay ser jun kaya ka nagpost,, yun pala final paper

Ernest Angeles said...

hulaan mo kung bakit si ser jun ang topic ng final paper ko... hehehe

_Stine Olivar said...

mabuhay to ernest, mabuhay, hahah :D

_Stine Olivar said...

grabe, sobrang napapraning ako sa plagiarism,, pinasa mo pala to O____O... yun na lang kwento mo @__________________@

 
ODIFMI Diaspora - by Templates para novo blogger