15 September 2008
Si Zorro, isang lalaking pinili mag maskara kaysa iharap ang sariling mukha sa lipunang kanyang ginagalawan. Piniling maging bayani at tagapagtanggol ng mga taong nakikita siya bilang api at kawawa. Hindi nagawa ng pananaliksik na tanggalin ang maskara niya, nagawa lamang nating talagang tignan si Zorro, si Dennis, at hindi lang basta daanan ng mga mata.
Hindi ba ang kanyang mismong kwento, kilos, anyo ay metapora na ng parehong kinang at dungis ng lipunan natin sa UP? Ang watawat na suot bagamat bawal na metapora ng nasyonalismong militante na mayroon ang aktibistang taga-UP, suot niya sa bawat minutong naaalala natin sa kanya. Ang dungis n’ya at dunong na tila nagiging simbulo ng mag-aaral na may dunong ngunit tinatago sa civilian clothing na parang wala lang at tsinelas na pinanglalakad sa kalakhan ng kampus, nangingitim na sa araw sa ngalan ng pag-aaral. Ang pagtakbo n’ya sa isang oval na tila sumasalamin sa pag-uulit-ulit ng buhay estyudante, na sa dulo ay pipilas ka din sa pag-ikot sa oval at dadaan na sa ibang daan.
Hindi naman yata talaga kelangan mahubad ang maskara ni Zorro, wala rin namang kakayahan o karapatan ang mananaliksik na sagutin ang tanong na “bakit s’ya ganoon?”. Pero tagumpay pa rin sa pinaka silbi ng papel na ito, ang mabigyang pangalan ang mukha na lagi nakatago, at ang tao sa likod ng maskara.
0 things said:
Post a Comment