Uwian na: Excerpt

25 April 2010

Maagang pinauwi sina Jun mula sa paaralan, tanghali pa lang ay sakay na s’ya ng serbis ng paaralan papunta sa kani-kanilang bahay. Walang takdang-araling binigay ang kanyang mga guro at tulad ng karaniwang bata sa greyd por ay pinaplano na n’ya ang mga paglalarong gagawin n’ya pagkauwi at ang mga palabas sa telebisyon na mapapanood n’ya dahil pinauwi sila ng maaga. Isang bulalakaw kasi ang bumulusok mula sa kalawakan papasok ng bintana ng kanilang silid at pumaslang sa kanilang guro sa Filipino, magiging abala ang mga dyanitor at karpintero ng paaralan sa paglilinis ng nabasag na bintana, pagtatanggal ng mga bakas ng pagkasunog at dugo sa mga ding-ding at kisame at pagpapalit ng salamin ng silid. Magiging abala din ang mga guro sa pagdadala ng katawan ni Gng. Pagtalunan sa morge at pagpapaliwanag sa pamilya nito sa kalunos-lunos na aksidenteng naganap. Kaya’t maaga silang pinauwi.

Binaba siya sa harap ng kanilang bahay ng mabait at palangiting drayber ng serbis ng paaralan, pag-pasok n’ya sa bahay ay inabutan n’yang nakatayo sa kisame ang kanyang ina at abalang binabakyum ang paligid ng bumbilya ng kanilang sala. Hindi agad napansin ng kanyang ina na nasa loob na s’ya ng bahay, marahil dahil sa ingay na nililikha ng bakyum kliner nila. Tumingkayad si Jun para kalabitin ang bumbunan ng ina, na agad namang tumingala.

“Aba, maaga ka yata ngayon.” Sabi ng ina,

“Hindi kita madinig, patayin mo muna ang bakyum, ma.” Sabi ni Jun, nakatingala sila sa isa’t isa

“Ano anak? Hindi kita madinig, papatayin ko muna itong bakyum.” Pinatay ng ina ni Jun ang bakyum cleaner. “Bakit maaga ka pinauwi ngayon?”

“May bulalakaw na pumasok sa bintana at tinamaan si Gng, Pagtalunan, patay na s’ya kaya pinauwi na kami.” Sabi ni Jun.

“Si Gng. Pagtalunan? Mabait na guro iyon, nakakalungkot naman.” Umiiling-iling ang ina ni Jun ng muling buksan ang bakyum at nagpatuloy sa paglilinis.

0 things said:

 
ODIFMI Diaspora - by Templates para novo blogger